Pumunta sa nilalaman

Iskandalong Hello Garci

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang Iskandalong Hello Garci ay isang krisis elektoral na lumitaw noong Hunyo 2005 sa Pilipinas na tinatawag din minsan na Gloriagate. Ito ang krisis na kinaharap ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa diumanong pakikipagsabuwatan niya kay Virgilio Garcillano, isang opisyal ng Komisyon sa Halalan upang manipulahin ang halalan ng pagkapangulo noong 2004 halalan. Lumabas ang kontrobersiya sa paglitaw ng sinasabing wiretapped conversations sa telepono sa pagitan nina Gloria Macapagal-Arroyo at Virgilio Garcillano noong canvassing ng 2004 halalan sa pagkapangulo. Sa resulta ng 2004 halalan ng pagkapangulo, si Arroyo ay nagwagi ng 12,905,808 boto laban sa 11,782,232 boto ni Fernando Poe, Jr.. Ayon sa dating diputadong direktor ng NBI na si Samuel Ong, ang wiretapped conversations sa pagitan ni Arroyo at Garcillano ay nagpapatunay ng pandaraya ni Arroyo upang manalo ng 1 milyong boto laban sa kandidatong si Fernando Poe, Jr.

Noong 27 Hunyo 2005, inamin ni Gloria Macapagal-Arroyo na kinausap niya ang isang opisyal ng Commission on Elections noong eleksiyon ng 2004. Humingi siya ng tawad sa sambayanan.

Naghain ng impeachment complaint si Oliver Lozano sa Kapulungan ng mga Kinatawan ngunit noong 6 Setyembre 2005, ibinasura ito sa plenaryo ng Mababang Kapulungan.

Transcript ng usapan sa pagitan ni Arroyo at Garcillano

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Arroyo: Hello…
Garcillano: Hello, ma’am, good morning. OK ma’am, mas mataas ho siya (Fernando Poe Jr.) pero mag-compensate po sa Lanao yan.
Arroyo: So, I will still lead by more than one, overall? (Mangununa pa rin ba ako ng isang, sa pangkalahatan?)
Garcillano: More or less. It’s the advantage ma’am. Parang ganun din ang lalabas. (higit kumulang. Yan ang advantage ma'am...)
Arroyo: It cannot be less than one M? (Hindi bababa sa isang M?)
Garcillano: Pipiilitin ma’am natin yan. Pero as of the other day, 982. (Pero nuong nakaraang araw, 982)
Arroyo: Kaya nga eh
Garcillano: And then if we can get more in Lanao. (At kung makakakuha pa tayo ng mas marami sa Lanao)
Arroyo: Hindi pa ba tapos ?
Garcillano: Hindi pa ho, meron pa hong darating na seven municipalities.
Arroyo: Ah OK, OK

Tangkang impeachment kay Arroyo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 27 Hunyo 2005, inamin ni Arroyo na nakipag-usap siya sa opisyal ng COMELEC na inaangkin itong isang "pagkabigo sa paghatol". Ang kontrobersiyang Hello Garci ang naging saligan ng kasong impeachment na inihain laban kay Arroyo noong 2005 ngunit nabigo. Ang isa pang impeachment ay inihain laban kay Arroyo noong 2006 ngunit natalo sa pagboto sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas.